Allow me to share this short poem I’ve composed using my native tongue in promoting our very own language. I want you to know that travelling from different places to another is like learning different culture of people.
WIKANG FILIPINO: MINAMAHAL KO!
I
Sa aking pag gising ay aking namalas
Magandang bukas na nagpupumiglas
Walang katiyakan, pilit na dumudulas
Sa pag-asang itong abot din sa wakas.
II
Maraming salamat sa nagiisang tanglaw
Kahit saan dako ito’y matatanaw
Sa wikang Filipino abot sa balintataw
Wika ng saliksik, hindi ito bantilaw.
III
Sa hamon ng mundo, nitong globalisasyon
Sa panahon ng facebook, magagarang telepon
Internet at twitter, mga movie marathon
Wikang ito’y mahalaga, sa lahat ng panahon.
IV
Wikang Filipino, marapat lang isulong
Kahit saang sulok ng mundo’y igulong
Ito ay sandata na di dapat iurong
Magbibigay lakas at ng maraming tulong.
V
Wikang mapagpalaya, nagbibigay rangya
Kapag ito’y ginamit, walang makapapandaya
Tabak ito at kalasag sa pakikipagbaka
Gandang buhay ang dulot, kasunod ay ginhawa.
VI
Atin nang mahalin sariling wika natin
Wikang Filipino patuloy na saliksikin
Sa anumang mithiin dapat lang alamin
Wikang Filipino para itong salamin.
VII
Salaming naturingan, kung ito’y iugnay
Wala itong katulad, walang makapapantay
Dapat nang mahalin at huwag iwawalay
Pagkat sa wikang ito, may dulot na tagumpay.
VIII
Sa Diyos na lumikha nitong langit at lupa
Sa Kaniya na dakila, lahat ito’y Kaniyang gawa
Kaya’t itong wika sa atin ay pagpapala
Bilang pagmamahal atin itong ilathala!
Blessings and cheers everyone!